Month: September 2014

Pating

Pinagalitan at pinaiyak ko na naman ang pamangkin ko. 

Maliban sa nireregla ako, naginit na naman kasi ang ulo ko nang maabutan ko siyang Facebook at Wattpad na naman ang inaatupag imbes mag-aral. Ilang beses ko nang sinabi sakanya na papayagan ko siyang gawin lahat ng gusto niya basta bigyan niya kami ng mataas na grades. 

Nitong 1st grading, pinaka-mataas na nakuha niya e 90 (Values Education) at 78 (TLE) naman ang pinakamababa. Pinagmamalaki na niya ang 90 e mabuti sana kung sa major subject niya nakuha ang 90! Tapos TLE lang, 78 pa! TLE! Dustpan at bangko. Anong mahirap, do’n? 

Ang pinagpuputok talaga ng butsi ko, nanay ko ang nagpapaaral sakanya. Hiwalay na ang kuya ko (tatay niya) at ang nanay niya na may iba na ring asawa. Hindi ko kasi maintindihan kung bakit hindi niya maintindihan na dapat siyang mag-aral maigi dahil:

1. Hindi naman talaga dapat ang nanay ko ang nagpaparal sakanya. Pero pinagaaral siya dahil mahal siya ng nanay ko.

2. Matanda na ang nanay ko at kapag wala nang pera pang-paaral sakanya, matik na ako ang sasalo at ayaw kong magpaaral ng tamad mag-aral.

3. Gusto kong maintindihan niya na mahirap ang buhay. Masarap lang habang estudyante pa pero kapag nagsimula na siyang harapin ang totoong mundo sa labas ng eskwela, kapag hindi siya handa sa lahat ng aspekto, maiiwan siya. 

Tumatanda na nga siguro ako. Paano ba naman, parang naririnig ko ang sarili ko sa pamangkin ko sa tuwing nanghihingi ng pera sa nanay. Ang kapal pala ng mukha ko noon. Hingi lang ako ng hingi at ni minsan, hindi ko man lang naisip kung kaya pa ba ng nanay ko? May pera pa kaya siya? Saan kaya siya kukuha ng pera? 

Ang totoo, sinasabi ko lang sa pamangkin ko na nagaral akong mabuti para gawin niya sanang inspirasyon. Pero nagpabaya ako. Wala akong ginawa kundi makipagbarkada, humingi ng pera pang-project kuno pero ipang-iinom o ipanggagala ko lang. Ngayon nagsisisi ako. Sana pala mas nag-aral pa ako. Sana mas ginalingan ko pa. ‘Di sana, mas mataas pa ang posisyon ko ngayon. 

Alam kong masasakit ang natatanggap sa’kin ng pamangkin ko pero ayaw kong gawin niya sa nanay ko yung nagawa ko na noon. Ngayon ko naiisip lahat ng maling nagawa ko. Nagsisisi ako, sana hindi na lang pala. Isa pa, gusto ko siyang maging handa sa buhay. Paano kapag wala na kami para gabayan siya? Paano siya lalaban?

Masakit rin para sa’kin na napagsasalitaan ko siya ng kung anu-ano. Ngayon, mas naiintindihan ko na kung bakit gano’n ang mga magulang ko sa’kin dati. Iniisip lang nila ang kapakanan ko. 

Iniisip ko lang ang kapakanan ng pamangkin ko.