Tradisyon na ng buong angkan na ipagdiwang ang Christmas Eve sa bahay ng Lola. Tulad ng iba, kumpleto rin sa pagkain, palaro, pamimigay ng regalo (at pera) ang pamilya. May naka-atas na isang pinsan na nagsisilbing host sa buong gabi, nangunguna sa dasal bago kumain, at sa mga palaro. Isa ako sa mga nakatatandang pinsan. Bale ang lumalabas, ako na ang pinaka-matandang Ate dahil ang dalawa kong panganay na pinsan e nasa ibang bansa na.
Habang lumalalim ang gabi, isa-isang kukunin ng mga Tito at Tita ang mikropono para tawagin at ibigay ang kanilang inihandang regalo mula kay Lola hanggang sa apo sa talampakan. Sabik na sabik ako noon tulad ng ibang mga bata dahil ang highlight naman talaga ng okasyon e ang regalong matatanggap mo. Pero nung minsan, hindi ko alam kung ano bang nangyari, nagsalita na ang lahat ng namimigay pero hindi natawag ang pangalan ko. Sa unang pagkakataon, wala akong natanggap na regalo. Walang naka-alala sa’kin. Ang Mama’t Papa, kuya at asawa niya pati ang mga pamangkin ko, nabigyan. Sa raffle na nga lang ako umaasa, wala pa akong napala.
Hanggang ngayon, hindi ko alam kung bakit walang naka-isip man lang sa’kin. Lalo ko tuloy naramdaman na hindi nila ako gusto. Simula nung taon na ‘yon hanggang 2013, wala na akong natanggap mula sa kanila. Mabuti na lang at hindi na ako bata kundi pinagkaisahan na ako ng mga pinsan ko at inasar buong gabi.
Para maiwasan kong makaramdam ulit ng pagka-leftout, nagdahilan ako nung isang taon kala Mama na may tinatapos lang ako at susunod na lang kala Lola. Pero nagkulong lang ako sa kwarto, nanood, at hinintay silang makauwi para sa balot na pagkain. Pinadala ko na lang ang mga regalo ko para sa kanila kahit na mukhang ‘di naman nila nagustuhan.
Nakakalungkot na walang nag-iisip para kahit isang beses lang sa isang taon, mapasaya ka.
Kaya ‘eto, sinisimulan ko nang mag-download ng movies at series. Mahaba-habang gabi rin ang salubong.