Month: February 2016

Senior Account Officer

Hating-gabi na ako natulog nung nakaraan dahil sa pang-i-stalk sa mga contacts ko sa Facebook. Inatake na naman ako ng insecurity kaya para lalo ko pang ilubog ang sarili ko, isa-isa kong tinignan ang profile ng una, mga college blockmates ko; pangalawa, highschool batchmates; pangatlo, mga nakilala ko kung saan.

Tinignan ko kung saan sila nagtatrabaho at anong posisyon nila – Product Manager, Analyst, CSR, Branch Manager, Account Executive, Case Manager, Art Director, Software Engineer, IT Manager, at yung iba, yung karamihan e Works at <insert name of company here> lang ang nakalagay na tulad nung saakin.

Binisita na naman ako ng inggit. Ikinumpara ko na naman ang sarili ko sa karamihan. Nakukulangan ako sa sarili ko kaya ganon na lang rin siguro ang tingin ng mga boss ko saakin, na okay naman sana pero may kulang.

‘Di ko sila masisisi. Simpleng reports at “Don’t be late.” na lang e hindi ko pa maibigay.

Natutunan ko na kahit gaano ka pa napapagod sa buong araw mo sa trabaho, o kahit hating gabi ka nang nakakauwi dahil sa overtime, kung late kang papasok e ‘yon pa rin ang pamantayan nila sa kung gaano ka kabuti o kakupal na empleyado.

Siguro, kapag wala na akong palya sa reporting at attendance, mag-sha-shine rin ako.

 

Liberty

Kolehiyo pa ‘ata nang simulan kong gumawa ng mga bagay mag-isa. Bago mo isipin na nagpapaka-emo ako o ano, ‘di ako mawawalan ng kasama kung gugustuhin ko lang.

Sinimulan ko sa pagkain sa kung saan-saang restaurant, isinunod ko ang panonood ng pelikula sa sinehan, ang pagtambay sa coffee shop o sa kahit anong lugar na medyo awkward kung walang kasama.

Nitong 2015 lang, sinimulan kong magbyahe mag-isa. Ang dami kong alinlangan nung una. Kaya ko ba? ‘Di ba baduy? Sino kukuha ng mga pictures ko? Pero naisip ko, kung ‘di ko gagawin, baka hindi ko na magawa kahit kailan.

Bilang first-timer sa Solo Travel, ‘di ako tumigil magbasa tungkol sa papaano ako makararaos. Kailangan kong matuto sa mga nauna na. Nang nasiguro ko na lahat ng detalye, Calaguas ang napili kong puntahan. Kung ‘di ka pamilyar, bale isang isla ‘yan sa Camarines Norte na walang kuryente at wala ring signal. Ang dami kong kasabay na mag-jo-jowa. Magkakayakap sila habang binabagtas namin ang malalaking alon papunta sa isla. Isang gabi kami ro’n –  mag-isa akong kumakain, naglangoy, natulog sa tent, uminom pero ni minsan ‘di ako nakaramdam ng lungkot. Ito na siguro ang pinakamagandang desisyon na ginawa ko.

Kaya ikaw, kung matagal mo nang ginugusto magbyahe mag-isa o gawin ang isang bagay pero napangungunahan ka ng kaba, wala kang mararating kung ‘di mo gagawin. Ituloy mo kahit wala kang kasama. ‘Wag mong hayaang malimitahan ka ng takot sa dibdib mo at pagka-talkshit ng mga barkada.

Hindi mo ‘to pagsisisihan.