Month: September 2015

I-re-ne

Huling lamay ni Lola nang magkwentuhan kaming magpipinsan. Halos lahat sila e lumaki nang sabay-sabay kasama ang Lola, maliban na sa’kin. Sa kabilang parte kasi kami ng barangay nakatira. Salitan sila kung magkwento ng mga alaala. Ako? Pilitin ko mang halukayin ang pinaka-dulo ng isip ko, iilan lang ang naaalala kong kasama siya.

Isa siguro si Lola sa mga taong kahit minsan sa isang taon ko lang makasama, hindi bawas ang pagmamahal. May ganung pag-ibig pala talaga. Madalas nga siyang gawing dahilan ng Mama sa’kin para lang pumunta ako sa mga family gathering.

“Para na lang sa Lola mo, ‘nak.”

Sa buong buhay ko, ni minsan hindi ko nakitaan ng negatibo si Lola. Wala ring nakapagkwento sa’kin ng masama tungkol sakanya. Nung huling kwentuhan namin, naiiyak siya habang sinasabi sa’kin na naaawa raw siya kay Mama dahil dalaga pa lang raw, puro na sakripisyo. Tinanong ko nga minsan si Mama kung marunong bang magalit ang Lola — hindi raw. May pinagmanahan pala ang Mama talaga, masyado silang mababait.

Bago siya nawala, pinilit naming maging handa. Sa ospital pa lang, kahit hindi nila aminin, nararamdaman kong inuumpisahan na ng lahat tanggapin na malapit na naming hindi makasama si Lola. Pero kahit pala gaano katagal paghandaan, walang sino man ang magiging handa sa pamamaalam.

Isang oras bago kuhanin ang mga labi ni Lola para sa cremation, nagsalita ang mga Tito’t Tita, ilang mga pinsan, pati ako. Kako sayang kasi pangalan lang ang nakuha ko kay Lola, hindi ang kabaitan niya.

Sa tingin ko, isa sa mga dahilan nang pagkawala niya e ‘yung maidikit ulit ang buong pamilya. Sa pamamaalam ni Lola, pagsalubong naman sa bagong bukas ang sa’min. Kahit sabi ni Mama, hindi niya alam kung makaka-usad pa siya. May mga pag-ibig pala talaga na hindi mawawala.

Masakit mawalan. Pero mas masakit mawalan ng tulad ni Lola Irene.