Period

Pagkatapos ng tatlong taon at dalawang buwan, naka-alis rin ako. ‘Di ko alam kung may breakup ba talaga na maayos at hindi masakit. Sa buhay ko, lahat ng pakikipag-hiwalay ko sa ka-relasyon, trabaho, kaibigan, o kahit anong sitwasyon – masasakit, punong-puno ng drama.

Pero itong breakup sa trabahong ‘to na ‘ata ‘yong pinaka-masakit. Siguro kasi, araw-araw akong umaasa. Umaasa na sana dumating ang panahon na maging sapat ako, na makita naman nila na magaling ako, na ‘di nila maging batayan kung saan ako galing na eskwela.

Masakit pala talagang maghintay sa wala.

 

 

Advertisements

SEPANX

Mag-iisang buwan na ‘ata mula nang magdesisyon akong itigil ang paninigarilyo. Hindi naman ako malakas humithit. ‘Di ko rin masyadong hinahanap ‘di tulad ng kape. Sa totoo lang, kailangan ko lang naman ang yosi kapag ka dumudumi ako o kailangan kong makihalubilo sa ibang mga tao na ‘di naman awkward ang dating.

Wala naman talaga sa plano ko na itigil ngayon. Pero nitong mga nakaraang buwan kasi, nahihirapan akong huminga. Hindi rin nawawala ang ubo ko. Ininuman ko na ng kung anu-anong gamot, ‘di pa rin gumagaling. Nung minsan, halos manikip na ang dibdib ko at sobrang sakit ng ulo. Bilang praning ako at ‘kala ko mamamatay na ako, nagpatingin ako sa duktor. May tama nga raw ako sa baga, sabi ni doc. Ang una ko raw gawin e itigil ang pagyoyosi.

Iyak ako ng iyak paguwi ko sa bahay. Ang daya kako. ‘Di naman ako adik na adik tulad ng iba pero ba’t may tama ako sa baga? Kesa sa lumala pa, sinunod ko naman ang utos niya, tumigil na ‘ko. Bahala na sa withdrawal shit na ‘yan.

May mga oras na hinahanap ko, paminsan pa may bumubulong sa’kin na isang yosi lang naman e, ‘di ka pa mamamatay.

Pero alam mo kung anong masarap sa ganito? ‘Yung darating ang panahon na ‘di mo na hahanapin, wala na sa sistema mo.

 

 

Fuck the Classist

Nakakalungkot rin pala maging jologs.

Wala akong alam sa kahit anong pa-sosyalan. Hindi ako galing sa mayamang pamilya. ‘Di rin ako alumna ng mga “top schools” sa Maynila. Sa totoo lang, nung tinanong ako minsan ng boss ko kung “Well Done, Medium, Rare?”, ‘di ko alam isasagot ko kaya kako “Sir kung ano na lang po yung iyo.”

Nakakalungkot maging jologs lalo kung naikukumpara ka sa sosyal.

Ano bang magagawa ko kung sa ukay lang ako madalas mamili ng mga damit ko? Ilang pares lang ng sapatos ang mayroon ako, yung iba Parisian pa. Dadalawang bag lang ang mayron ako, regalo pa ang isa.

Nakakalungkot maging jologs kung ito pala ang pamantayan ng galing at talino o alam sa buhay.

‘Di naman ako mahilig pumarty o pumunta sa mga kung saan-saang bar na bawal ang ‘di sosyal. ¬†‘Di rin ako nakakasabay sa kwentuhang out of the country kasi oo, kumuha ako ng passport kailan lang pero ‘di pa ako nakakalabas ng bansa. May lisensya nga ako pero wala naman akong kotse.

Wala naman akong problema noon sa pagiging jologs ko e.

Masaya naman ako noon na graduate ako sa P.U.P. Sino ba namang ‘di matutuwa na makatapos ng college sa dose pesos kada unit? Kung malungkot ako tulad ngayon, Jollibee lang, sasaya na ako – spaghetti with chicken thigh part, please. ¬†Sobrang saya kong namimili ng damit sa ukay lalo kapag ¬†3 for Php 100. Itong sapatos ko, ‘di ko pa pinapalitan kasi maayos pa naman e. Bagay naman sa halos lahat ng damit ko kaya parang wala naman ‘atang problema. Masarap rin namang mag-beer sa Cubao X. Mula college, don na kami madalas magbabarkada.

Proud naman akong jologs ako pero ngayon, itong mga sandali na ito, malungkot ako.

Kasi kung sosyal siguro ako o galing sa mayamang pamilya, mas bilib saakin mga tao. Mas maniniwala sila sa “galing at diskarte” ko. Mas may say siguro ako sa mga bagay. Pakikinggan siguro ako. ‘Di siguro ako option lang.

Nakakalungkot, bakit kasi ang jologs ko?

Lone Wolf

Okay, may mali ba talaga sa pagbiyahe mag-isa? Masama ba talaga na manood ng sine o kumain mag-isa sa mall? Mukhang tanga ba talaga na mamasyal na ikaw lang?

Ilang taon ko nang ginagawa ‘to, may boyfriend man ako o wala. Pero nitong nakaraan, ang daming nagtatanong saakin kung ano daw bang problema ko? Bakit mag-isa raw akong umaalis e may boyfriend naman daw ako?

Kesyo sa una e okay lang pero mukha na raw akong engot sa mga sumunod pa. Bakit daw ako nagbabyahe mag-isa, may issue raw ba kami? Parang may mali daw sa relasyon namin. Hindi daw dapat ganon.

Naguguluhan ako. Paano ko ba ipaliliwanag na wala naman akong problema e. Wala kaming issue ng boyfriend ko. Sanay lang ako na mag-biyahe mag-isa. Madalas kasi kailangan ko ng panahon sa sarili ko lang.

Ika nga niya, hahayaan lang niya akong pumunta kahit saan kasi nagiging masaya siya na paguwi ko, siya pa rin e, na mahal ko pa rin siya. Paguwi ko, mas mahal ko rin ang sarili ko.

Wala namang masama do’n, diba?

Unfit

Siguro nga hindi ako masayang kasama o nakaka-ubos ako ng pagkatao. O nagbago na lang talaga ako? Na baka noon, masarap akong kasama kaya marami akong kinabibilangang bilog. O baka sila ang nagbago?

Kasi wala na. ‘Di na ako ang unang naiisip na isama, parte na lang ako ng mga sasama. O mahalaga pa ba na maging una?

Baka ako talaga ang nagbago.

Nitong mga nakaraan, nakasama ako ang iilang kaibigan pero parang hindi na ako parte. Na para bang marami na akong ‘di naiintindihan. Na pakiramdam ko, ‘di na nila ako kilala at ‘di na nila ako pinakikinggan.

O baka malungkot lang ako ngayong oras na ‘to. Dahil ito ang trip ko, ilubog lalo ang sarili ko sa kalungkutan.