Senior Account Officer

Hating-gabi na ako natulog nung nakaraan dahil sa pang-i-stalk sa mga contacts ko sa Facebook. Inatake na naman ako ng insecurity kaya para lalo ko pang ilubog ang sarili ko, isa-isa kong tinignan ang profile ng una, mga college blockmates ko; pangalawa, highschool batchmates; pangatlo, mga nakilala ko kung saan.

Tinignan ko kung saan sila nagtatrabaho at anong posisyon nila – Product Manager, Analyst, CSR, Branch Manager, Account Executive, Case Manager, Art Director, Software Engineer, IT Manager, at yung iba, yung karamihan e Works at <insert name of company here> lang ang nakalagay na tulad nung saakin.

Binisita na naman ako ng inggit. Ikinumpara ko na naman ang sarili ko sa karamihan. Nakukulangan ako sa sarili ko kaya ganon na lang rin siguro ang tingin ng mga boss ko saakin, na okay naman sana pero may kulang.

‘Di ko sila masisisi. Simpleng reports at “Don’t be late.” na lang e hindi ko pa maibigay.

Natutunan ko na kahit gaano ka pa napapagod sa buong araw mo sa trabaho, o kahit hating gabi ka nang nakakauwi dahil sa overtime, kung late kang papasok e ‘yon pa rin ang pamantayan nila sa kung gaano ka kabuti o kakupal na empleyado.

Siguro, kapag wala na akong palya sa reporting at attendance, mag-sha-shine rin ako.

 

Liberty

Kolehiyo pa ‘ata nang simulan kong gumawa ng mga bagay mag-isa. Bago mo isipin na nagpapaka-emo ako o ano, ‘di ako mawawalan ng kasama kung gugustuhin ko lang.

Sinimulan ko sa pagkain sa kung saan-saang restaurant, isinunod ko ang panonood ng pelikula sa sinehan, ang pagtambay sa coffee shop o sa kahit anong lugar na medyo awkward kung walang kasama.

Nitong 2015 lang, sinimulan kong magbyahe mag-isa. Ang dami kong alinlangan nung una. Kaya ko ba? ‘Di ba baduy? Sino kukuha ng mga pictures ko? Pero naisip ko, kung ‘di ko gagawin, baka hindi ko na magawa kahit kailan.

Bilang first-timer sa Solo Travel, ‘di ako tumigil magbasa tungkol sa papaano ako makararaos. Kailangan kong matuto sa mga nauna na. Nang nasiguro ko na lahat ng detalye, Calaguas ang napili kong puntahan. Kung ‘di ka pamilyar, bale isang isla ‘yan sa Camarines Norte na walang kuryente at wala ring signal. Ang dami kong kasabay na mag-jo-jowa. Magkakayakap sila habang binabagtas namin ang malalaking alon papunta sa isla. Isang gabi kami ro’n –  mag-isa akong kumakain, naglangoy, natulog sa tent, uminom pero ni minsan ‘di ako nakaramdam ng lungkot. Ito na siguro ang pinakamagandang desisyon na ginawa ko.

Kaya ikaw, kung matagal mo nang ginugusto magbyahe mag-isa o gawin ang isang bagay pero napangungunahan ka ng kaba, wala kang mararating kung ‘di mo gagawin. Ituloy mo kahit wala kang kasama. ‘Wag mong hayaang malimitahan ka ng takot sa dibdib mo at pagka-talkshit ng mga barkada.

Hindi mo ‘to pagsisisihan.

 

 

 

 

I-re-ne

Huling lamay ni Lola nang magkwentuhan kaming magpipinsan. Halos lahat sila e lumaki nang sabay-sabay kasama ang Lola, maliban na sa’kin. Sa kabilang parte kasi kami ng barangay nakatira. Salitan sila kung magkwento ng mga alaala. Ako? Pilitin ko mang halukayin ang pinaka-dulo ng isip ko, iilan lang ang naaalala kong kasama siya.

Isa siguro si Lola sa mga taong kahit minsan sa isang taon ko lang makasama, hindi bawas ang pagmamahal. May ganung pag-ibig pala talaga. Madalas nga siyang gawing dahilan ng Mama sa’kin para lang pumunta ako sa mga family gathering.

“Para na lang sa Lola mo, ‘nak.”

Sa buong buhay ko, ni minsan hindi ko nakitaan ng negatibo si Lola. Wala ring nakapagkwento sa’kin ng masama tungkol sakanya. Nung huling kwentuhan namin, naiiyak siya habang sinasabi sa’kin na naaawa raw siya kay Mama dahil dalaga pa lang raw, puro na sakripisyo. Tinanong ko nga minsan si Mama kung marunong bang magalit ang Lola — hindi raw. May pinagmanahan pala ang Mama talaga, masyado silang mababait.

Bago siya nawala, pinilit naming maging handa. Sa ospital pa lang, kahit hindi nila aminin, nararamdaman kong inuumpisahan na ng lahat tanggapin na malapit na naming hindi makasama si Lola. Pero kahit pala gaano katagal paghandaan, walang sino man ang magiging handa sa pamamaalam.

Isang oras bago kuhanin ang mga labi ni Lola para sa cremation, nagsalita ang mga Tito’t Tita, ilang mga pinsan, pati ako. Kako sayang kasi pangalan lang ang nakuha ko kay Lola, hindi ang kabaitan niya.

Sa tingin ko, isa sa mga dahilan nang pagkawala niya e ‘yung maidikit ulit ang buong pamilya. Sa pamamaalam ni Lola, pagsalubong naman sa bagong bukas ang sa’min. Kahit sabi ni Mama, hindi niya alam kung makaka-usad pa siya. May mga pag-ibig pala talaga na hindi mawawala.

Masakit mawalan. Pero mas masakit mawalan ng tulad ni Lola Irene.

Push/Back

Ilang taon na akong nasa linya ng “sales” pero hindi pa rin ako sanay sa rejection.

Baliktad ang trato ko sa personal kong buhay at sa trabaho.

Sa trabaho, kahit alam kong declined o rejected na ang proposal ko, hindi pa rin ako pwedeng tumigil. Ibang diskarte naman, ibang tool ang gagamitin hanggang sa makuha ko siya. Matindi rin kasing pumukpok ang mga boss ko. ‘Di pwedeng hindi ko kayang gawin, ‘di ubra ang “feeling ko ayaw nila.” Malaking tulong ang lakas ng pakiramdam ko sa trabaho pero hindi ‘to pwedeng maging batayan ng pangkabuoang diskarte ko. Bawal maghintay, ‘di pwedeng petiks. Ako parati ang dapat mauna. Minsan nga naiisip ko na sana pushy na lang ako sa totoong buhay para mas madali.

Sa personal naman, oo, diretso ako. Bukas ako sa mga gusto’t ayaw ko. Pero kapag nakaramdam ako ng direct o indirect rejection, tumitigil ako. Sa ilang natatanging sitwasyon naman, sumusubok ako ng ibang strategy. Importante na maraming nakatabing tool para makuha ang mga gusto natin, hindi ba? Pero madalas, kahit gaano ko pa kagusto pero ‘di ko naman natatanggap ang emosyon na gusto kong makuha, tumitigil na ako (at nagmumukmok na lang sa kwarto).

‘Buti na ‘yon kaysa sa tanggihan ka.

Singko

Mali ‘ata talaga ang formula na ginagamit ko. Ano bang formula ng iba? Gusto ko sana ‘yung madali at mabilis pero makukuha ko ang tamang “x”.

Buong umaga kong iniisip kung ano ba ‘yung step na nakalimutan kong daanan? Hanggang ngayon kasi, lito pa rin ako. ‘Di ko pa rin makuha ang sagot. Hindi kasi ako marunong sumunod. Madalas akong gumawa ng sarili kong formula. Trial & error. Trial & error. Diba ganun naman ang buhay?

Pero hanggang kailan?

Nakakapagod maging iba at kumplikado. Zero na lang ba lagi ang makukuha ko sa exam na ‘to?